Muling tatalakayin ngayong araw ng mga mahistrado ng Korte Suprema, kasama ang Office of the Solicitor General (OSG) at Department of Budget and Management (DBM), ang consolidated petitions na kumukuwestiyon sa legalidad ng unprogrammed appropriations at special accounts sa inaprubahang 2024, 2025, at 2026 General Appropriations Acts (GAA).
Hinihiling sa petisyon ng ilang dati at kasalukuyang mambabatas, kabilang ang mga progresibong grupo, na ipawalang-bisa at ideklarang null and void ang mga pagbabagong idinagdag sa budget bicameral conference committee dahil labag umano ang mga ito sa Konstitusyon.
Ayon kay dating Senate President Franklin Drilon, dapat maresolba na ng Korte Suprema ang mga petisyon at huwag nang hintaying matapos ang taon upang magkaroon ng gabay ang publiko at ang Kongreso sa pagbalangkas ng pambansang badyet.
Iginiit naman ng kampo ng isa sa mga petitioner na si Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na dapat nang alisin ang buong unprogrammed appropriations na aniya’y nagiging daan upang mailipat at mamanipula ang ilang item at uri ng pondo sa GAA.