Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtutuloy -tuloy ang pagbibigay tulong at suporta sa mga komunidad na naapektuhan ng pagtama ng 7.8 magnitude na lindol, sa Mindanao, noong June 8.
Sabi ng pangulo, hindi iiwan ng National Government ang mga probinsyang ito, sa gitna ng kanilang pagsisikap na pagbangong muli at maisaayos ang kanilang mga komunidad.
Base sa tala ng pamahalaan, aabot sa 7,090 na bahay ang nawasak habang 39,567 naman ang nagtamo ng bahagyang pinsala.
Hindi bababa sa 33 kalsada, tulay, paaralan, government infrastructure, pribadong establisimyento, at mga pasilidad pangkalusugan ang napinsala rin dahil sa pagyanig.
Sa kasalukuyan, patuloy na tinutugunan ng mga ahensya ng gobyerno ang pagpapabilis sa pagdadala ng mga supply ng pagkain sa lugar.
“18 kalsada at tulay ang nananatiling hindi madaanan – 11 sa Glan, tig-isa sa Malungon at Alabel, at lima sa General Santos City.” -PCO.
Isa rin sa mga tinututukan ng pamahalaan ang problema sa supply ng tubig sa mga bayan ng Glan at Maasim dahil sa matagal na pagkawala ng kuryente at kakulangan ng gumaganang generator sets.
Bilang tugon sa kalamidad, nakapagbigay na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit Php90.25 million na halaga ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan sa Sarangani at General Santos City.
“Naglaan din ang DSWD ng 82,338 family food packs sa pamamagitan ng Field Office XII upang matiyak ang tuloy-tuloy na pamamahagi ng tulong sa mga apektadong komunidad.” -PCO.
Ayon kay Pangulong Marcos, nananatiling nakatuon ang administrasyon sa pagtulong sa mga naapektuhang residente upang makabangon mula sa trahedya at muling maitayo ang kanilang mga komunidad matapos ang isa sa pinakamalalakas na lindol na tumama sa rehiyon.