Nagpasalamat si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon kay Joshua Devera, residente ng Dagupan City kasabay ng pagbisita nito sa siyudad, matapos mag-viral ang video post nito na nag-ulat sa matagal nang problema ng pagbaha sa Arzadon Road sa Barangay Mayombo.
Ayon kay Dizon, ang naturang video ang nagbigay-daan upang agad niyang matutukan ang proyekto na naantala mula pa noong 2024. Aniya, nakita ng marami ang problema at nakarating ito sa kaniya.
Kasabay nito, hinikayat ng kalihim ang mga mamamayan sa Dagupan at sa buong bansa na mag-ulat ng mga suliranin sa kanilang lugar lalo na ang mga proyekyo at impraktrakturang matagal nang nakabinbin upang agad na makakilos ang pamahalaan.
Ayon sa kalihim, mahalaga ang partisipasyon ng ating mga kababayan. Kapag naiparating aniya ang problema sa kanilang tanggapan ay mabilis itong maaaksyunan.
Una nang tiniyak ni Dizon na matatapos ngayong Hunyo ang proyekto sa Arzadon Road, sa lungsod na inaasahang makapagpapabuti sa daloy ng tubig at makapagbibigay ng mas ligtas na daanan sa mga residente at motorista.