Pumalo na sa 14 na lokal na pamahalaan ang nagdeklara ng state of calamity matapos ang malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), kabilang sa mga apektadong lugar ang ilang bayan sa Davao Occidental, Sarangani, at South Cotabato.
Dahil sa deklarasyon ng state of calamity, mas bibilis ang proseso ng pagbili ng mga lokal na pamahalaan ng mga relief goods at iba pang pangangailangan para sa agarang pagtugon at pagbangon ng mga apektadong residente.
Ipinaliwanag din ng OCD na ipinatutupad na ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang pagtaas ng presyo habang nasa gitna ng krisis ang mga residente.
Aminado ang OCD na malaking hamon ngayon ang agarang pagpapatayo ng mga nasirang bahay at ang pagtukoy kung ligtas pa bang tirhan ang mga dating komunidad ng mga apektadong pamilya.
Ayon sa ahensya, nakikipag-ugnayan sila sa Mines and Geosciences Bureau upang alamin kung kinakailangan nang ilipat ang ilang residente sa mas ligtas na lugar.