Muling iginiit ng Department of Energy (DOE) na mananatiling bukas at aktibo ang fuel subsidy program para sa mga pampublikong sasakyan (PUV) upang matulungan ang mga drayber na makayanan ang patuloy na paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang programang ito ay isang whole-of-government initiative na pinangungunahan ng DOE katuwang ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Land Bank of the Philippines.
Benepisyo para sa mga Drayber
Ang mga kwalipikadong drayber ng mga pampublikong sasakyan ay makakatanggap ng P10 bawas sa presyo bawat litro ng diesel, na may limitasyong 150 litro bawat linggo.
Ayon sa DOE, ang tulong na ito ay katumbas ng tinatayang P1,500 lingguhang matitipid para sa bawat drayber. Layunin nitong mabawasan ang kanilang operating costs at mapanatili ang kanilang kita sa araw-araw sa gitna ng epekto ng tensyon sa Middle East sa presyo ng langis.

Paano mag-avail ng Fuel Subsidy?
Hindi na kailangan ng anumang application o fuel card upang makuha ang diskwento. Sundin lamang ang simpleng prosesong ito sa mga participating gasoline stations:
- Mag-abiso: Sabihan ang gas station attendant na gagamit ka ng fuel subsidy program.
- Ibigay ang Detalye: Ibigay ang plate number ng iyong sasakyan.
- Awtomatikong Bawas: I-e-encode ng gas station ang detalye at kusa nang ibabawas ang P10 diskwento sa iyong kabuuang bayad sa gasolina.
Paalala sa mga Benepisyaryo
- Plate Number Lamang: Tanging ang plate number ang kinakailangan para sa transaksyon.
- Lingguhang Limitasyon: Ang 150-litrong allocation ay weekly (Lunes hanggang Linggo). Ang hindi nagamit na subsidiya sa loob ng isang linggo ay hindi na maiipon o non-cumulative.
- Pag-reset: Nagre-reset ang weekly allocation tuwing Lunes ng madaling araw.
- Partner Stations: Siguraduhing mag-pa-gas lamang sa mga participating gasoline stations na accredited ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, patuloy na pinalalawak ng pamahalaan ang network ng mga gas stations sa buong bansa upang mas madaling mapuntahan ng mga drayber. Para sa kumpletong listahan ng mga kalahok na istasyon at iba pang updates, maaaring bisitahin ang opisyal na Facebook page ng DOE sa https://www.facebook.com/DOEgovph.