Nakatakdang magbigay ng housing assistance ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ito ang tiniyak ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling matapos samahan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-inspeksyon sa mga apektadong lugar sa lalawigan ng Sarangani.
Ipinaliwanag ni Aliling ang mga ayuda ng ahensya kabilang ang moratorium ng key shelter agencies, cash assistance ng National Housing Authority (NHA), deployment ng modular shelter units, at pamamahagi ng shelter repair kits at construction materials para sa mga nasirang bahay.
Ayon sa DHSUD chief, nakikipag-ugnayan na ito sa mga local government unit upang mapabilis ang paghahatid ng tulong.
Samantala, tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan sa mga lugar na sinalanta ng lindol hanggang sa ganap na makabangon ang mga ito.