Nakikiisa ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa panawagan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa mas maingat na paggamit ng tubig sa gitna ng banta ng El Niño.
Kamakailan, hinimok ng DENR ang mga residente, negosyo, at lokal na pamahalaan na makibahagi sa pagtitipid ng tubig dahil sa inaasahang pagdebelop ng El Niño na maaaring magdulot ng mas matinding tagtuyot.
Ayon sa ahensya, mahalaga ang maagang pagkilos upang mapangalagaan ang suplay ng tubig para sa inumin, serbisyong pangkalusugan, at iba pang mahahalagang pangangailangan.
Bilang suporta, nakikipagtulungan ang MWSS sa mga concessionaire nitong Maynilad at Manila Water upang matiyak ang tuloy-tuloy na distribusyon ng tubig at mabawasan ang pagkawala ng tubig sa sistema ng suplay.
Hinihikayat din ang publiko na isabuhay ang mga simpleng paraan ng pagtitipid ng tubig bilang paghahanda sa posibleng epekto ng tagtuyot.