Photo courtesy of PCSO
Nagpadala ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng karagdagang ChariTimba food packs para sa mga residenteng naapektuhan ng magnitude 5.8 na lindol na tumama sa Glan, Sarangani nitong Martes, June 16.
Isinakay ang mga relief goods sa isang C-295 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa Villamor Air Base bago ito lumipad patungong General Santos City bandang alas-7:30 ng umaga. Isinagawa ang airlift operation sa pakikipag-ugnayan sa Office of Civil Defense (OCD) upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Ayon sa PCSO, bahagi ito ng patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa mga lugar sa Southern Mindanao na nakararanas ng sunod-sunod na pagyanig matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa rehiyon noong June 8.
Sinabi ng ahensya na ang pagpapadala ng karagdagang ChariTimba food packs ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mabilis at agarang pagdadala ng ayuda sa mga komunidad na naapektuhan ng mga lindol sa Southern Mindanao.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga pambansa at lokal na tanggapan ng pamahalaan upang matiyak na agad na makarating ang tulong sa mga pamilyang nangangailangan.
“PCSO remains committed to supporting communities affected by these earthquakes. Through our continuing coordination with the Office of Civil Defense and other partner agencies, we are working to ensure that relief assistance reaches those who need it most,” ani Robles.
Ang ChariTimba packages ay naglalaman ng mga pangunahing pagkain na makatutulong sa mga pamilyang pansamantalang lumikas o naapektuhan ng kalamidad.
Tiniyak naman ng PCSO na nakahanda itong magbigay ng karagdagang tulong batay sa magiging assessment ng mga kinauukulang awtoridad at mga lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar.
