Nananatiling normal at tuloy-tuloy ang operasyon ng MRT-3 Ortigas Station southbound ngayong araw sa kabila ng pagdagsa ng maraming tao sa lugar na sinabayan ng pinaigting na seguridad.
Kasunod na rin ito ng naka-iskedyul na pagtitipon ng Cayetano bloc sa isang events place sa lugar tungkol sa flood control scandal.
Ayon sa DOTr-MRT-3, walang naging aberya sa operasyon ng tren at nagpapatuloy ang byahe ayon sa regular na iskedyul.
Nakaantabay din naman ang mga security personnel ng MRT-3 at Philippine Coast Guard (PCG) para tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero.
Kaugnay nito, nanawagan ang pamunuan ng MRT-3 sa publiko na patuloy na makipagtulungan at sumunod sa mga ipinapatupad na safety protocols sa tren.