Mula sa Red Alert, ibinaba na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Blue Alert ang status ng kanilang Operations Center epektibo alas-7 ngayong umaga kaugnay ng Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Batay sa memorandum na pirmado ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Laurence Mina, mas manageable na ang sitwasyon sa mga apektadong lugar.
Natutugunan naman na ng mga National Response Cluster ang mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Kasabay nito, dine-activate na rin ng NDRRMC ang Inter-Agency Coordinating Cell na nangasiwa sa koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa kasagsagan ng response operations.
Batay sa pinakahuling ulat, umabot na sa 68 ang bilang ng mga napaulat na nasawi habang pumalo na sa 339,000 pamilya o 1.4 milyong indibiduwal ang naapektuhan ng malakas na lindol.
Aabot naman sa 1,339 ang sugatan habang nasa 33 ang bilang ng mga nawawala.
Sa bilang ng mga apektado, 4,464 pamilya o 19,791 indibidwal ang nanunuluyan pa rin sa evacuation centers.
Umabot na sa ₱160.9 million ang naipamahaging tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng lindol.
