Umaabot na sa mahigit 303,000 family food packs ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, tuloy-tuloy ang relief operations ng ahensya.
Dagdag pa niya, handa ang DSWD na magbigay pa ng karagdagang tulong sakaling kailanganin dahil may sapat pang stockpile ang ahensya.
Batay sa DROMIC report, umabot na sa ₱223.4 milyon ang kabuuang humanitarian assistance na naipamahagi ng DSWD kabilang ang food packs, ready-to-eat foods, cash aid, at non-food items.
Tiniyak din ng ahensya, na naaabot na ang mga liblib na lugar sa tulong ng Philippine Coast Guard at Philippine Air Force para maihatid ang relief goods sa mga apektadong komunidad.
Kasabay nito, inihahanda na rin ang emergency cash transfer (ECT) assistance para sa mga pamilyang naapektuhan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan.