Photo courtesy of Bureau of Customs
May sarili nang pasilidad ang Bureau of Customs (BOC) sa Mindanao Container Terminal (MCT) sa Tagoloan, Misamis Oriental upang higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng mga operasyon laban sa smuggling at mapabilis ang pagproseso ng mga kargamento sa rehiyon.
Ito ay matapos lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang BOC, PHIVIDEC Industrial Authority (PHIVIDEC-IA), at Mindanao International Container Terminal Services, Inc. (MICTSI) noong June 9.
Sa ilalim ng kasunduan, gagamitin ng BOC ang isang 10,000-square-meter na lugar sa loob ng pantalan para sa pansamantalang imbakan, pagsusuri, pangangalaga, at pag-iingat ng mga nakumpiskang container, sasakyan, at iba pang hindi mapanganib na mga kalakal. Magsisilbi rin itong sentro ng kanilang mga enforcement operation.
Ayon sa BOC, makatutulong ang bagong pasilidad upang mas maging maayos ang paghawak sa mga nakumpiskang kalakal at maiwasan ang pagsisikip sa loob ng pantalan. Inaasahan ding mapapabilis nito ang inspeksyon, imbentaryo, at iba pang proseso na may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas sa adwana.
Nilagdaan ang kasunduan nina BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, PHIVIDEC-IA Administrator at Chief Executive Officer Atty. Joseph Donato Bernedo, at MICTSI President at General Manager Aurelio Garcia.
Sinabi ni Commissioner Nepomuceno na mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga ahensya at pribadong sektor upang matugunan ang pangangailangan ng BOC sa operasyon at matiyak ang maayos na pangangalaga sa mga nasasamsam na kalakal.
Dagdag pa niya, makatutulong ang bagong pasilidad upang mas mapabilis ang pagtugon ng ahensya at mas mapabuti ang serbisyo nito sa publiko.
Bahagi rin ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kahusayan ng mga pantalan at palakasin ang pagpapatupad ng batas habang pinananatiling maayos ang daloy ng lehitimong kalakalan sa bansa.
Sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon ng BOC, PHIVIDEC-IA, at MICTSI, inaasahang magiging mas episyente ang operasyon sa Mindanao Container Terminal at higit na mapapalakas ang seguridad at pagpapatupad ng mga batas sa adwana sa Northern Mindanao.