Photo courtesy: G7 Official Facebook Page
Nakatuon ang mga pinuno ng Group of Seven (G7) sa pagpapatatag ng supply ng mga kritikal na mineral upang mabawasan ang pagdipende nito sa China at maprotektahan ang mga namumuhunan sa posibleng pagkaantala ng materyales na mahalaga sa modernong industriya.
Sa kanilang pagpupulong sa Evian-Les-Bains, France, tinalakay ng mga lider ang mga hakbang upang mapalawak ang pinagmumulan ng mga mineral na ginagamit sa paggawa ng semiconductors, baterya, electric vehicles, renewable energy technology, mga kagamitang pangdepensa at iba pang mahahalagang produkto.
Anila, isa sa mga pangunahing alalahanin ang malaking papel ng China sa pandaigdigang produksyon at pagproseso ng mga naturang mineral.
Layunin ng mga bansang kabilang sa G7 na palawakin ang pakikipag-ugnayan sa ibang mga supplier at magtayo ng mas matatag na supply chain upang mabawasan ang panganib ng kakulangan sa supply.
Naniniwala ang grupo na ang pagkakaroon nang ligtas at diversified na pinagkukunan ng kritikal na mga mineral ay mahalaga sa pagpapanatili ng paglago ng ekonomiya, enerhiya, at pambansang seguridad ng kanilang mga bansa.