Tulad ng Pilipinas, may sariling batas ang China at mayroon itong sariling polisiya.
Reaksyon ito ni Communications Usec. Claire Castro nang hingan ng komento kaugnay sa sanction na ipinataw ng Beijing kay Defense Secretary Gibo Teodoro, dahil sa pagiging vocal nito sa agresyon at mga illegal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Kung matatandaan, pinagbabawalan na ang kalihim at pamilya nito na pumasok sa China, Hong Kong, at Macao, maging sa pakikipag-transaksiyon sa mga Chinese organizations at individuals.
Sabi ni Castro, gumaganap lamang si Teodoro sa kaniyang sinumpaang tungkulin.
Ang mandato aniya ng Defense secretary ay naaayon sa batas, nakasalig sa Konstitusyon, at naka-angkla sa polisiya ng administrasyon.
“Ang China ay may sariling batas, may sarili silang polisiya; gayundin naman po ang Pilipinas. Si Secretary Gibo bilang Defense Secretary ay gumaganap lang sa kaniyang tungkulin, sa kaniyang mandato na naaayon sa batas, naaayon sa konstitusyon, at naaayon sa polisiya ng administrasyon.” -Castro