Photo courtesy of Bureau of Customs
Mahigit ₱27.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark matapos itong matagpuang nakatago sa mga produktong pang-salon na ipinadala mula sa Estados Unidos patungong Mandaluyong City.
Ayon sa BOC, dumating sa bansa ang shipment noong June 9 at sumailalim sa karaniwang proseso ng inspeksyon, kabilang ang X-ray scanning at profiling. Dahil sa kahina-hinalang resulta ng pagsusuri, isinailalim ito sa mas masusing physical examination.
Sa inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang isang nail care set at dalawang lalagyan na nakadeklarang nail powder products. Sa loob ng mga ito ay nakita ang puting mala-kristal na substance na hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 4,050 gramo.
Kinumpirma ng paunang pagsusuri gamit ang Rigaku Spectrometer na ang nakumpiskang substansya ay shabu, isang ipinagbabawal na droga sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. Isinailalim naman sa karagdagang laboratory examination ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga sample para sa pinal na kumpirmasyon.
Dahil dito, naglabas ang Bureau of Customs ng Warrant of Seizure and Detention laban sa naturang shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at iba pang kaugnay na batas laban sa ilegal na droga.
Pinuri ni Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes ang mga tauhan ng Customs at kanilang partner agencies sa matagumpay na operasyon. Aniya, mahalaga ang dedikasyon at pagtutulungan ng mga ahensya upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa at maprotektahan ang mga komunidad.
Samantala, sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na patuloy na paiigtingin ng ahensya ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa laban sa ilegal na droga at iba pang kontrabando. Dagdag niya, bawat matagumpay na pagkakasabat ay hakbang upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga Pilipino at masiguro ang mas maayos na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.
Muling tiniyak ng BOC ang kanilang patuloy na pakikipagtulungan sa iba pang law enforcement agencies upang mapigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga at mapanatiling ligtas ang mga komunidad sa buong bansa.