Patuloy ang isinasagawang repatriation efforts ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mga Pilipino sa Gitnang Silangan na nais nang makauwi sa bansa.
Sa panayam ng programang BOSES kay OWWA Administrator Atty. PY Caunan, sinabi nitong umabot na sa 11,000 Pilipino ang napauwi sa bansa mula Marso hanggang sa kasalukuyan.
Kasama rin dito ang 165 Pilipinong dumating kahapon mula Kuwait, na itinawid pa sa Riyadh, Saudi Arabia upang makauwi sa bansa.
Hindi rin tumitigil ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong naiwan at piniling magtrabaho at manirahan pa rin sa mga bansa sa Gitnang Silangan.
Sa ngayon, nakatutok ang pamahalaan sa reintegration program para sa mga OFW na nakauwi na sa bansa upang mabigyan sila ng mas maayos na pamumuhay.