Umaasa ang mga Pilipinong naninirahan sa Estados Unidos na mararamdaman nila ang epekto ng kasunduang pangkapayaan sa pagitan ng US at Iran.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa beteranong broadcast journalist na si Michael Cohen, sinabi nito na hindi pa ramdam sa ngayon ang pagbaba sa mga presyo ng pangunahing bilihin sa merkado tulad aniya ng produktong petrolyo na nagtaasan din bunsod ng kaguluhan sa Middle East.
Aniya, halos kapareho lamang din sa Pilipinas ang epekto ng US-Iran conflict.
Ani Cohen, noong nagpahayag ang Estados Unidos at Iran na lalagda na ito sa isang kasunduang pangkapayapaan sa darating na Biyernes, halos may mga Pilipino o maski mga American citizen na nagdiwang dahil malaki aniya ang magiging epekto nito sa kanilang pamumuhay at sa ekonomiya ng bansa.
Ayon pa kay Cohen, marami kasi sa mga naninirahan sa U.S. ay inilalagak ang kanilang mga pera maging mga retirement benefit sa mga investment, mutual fund o stock market na lubha ring naapektuhan ng digmaan.
Gayunman, idinagdag ng broadcaster na iginiit ng Washington na tentative peace deal pa lamang ito at posible umanong magkaroon pa ng mga pagbabago.
Ngunit ang mahalaga aniya rito ay harapan na ang mga pagpupulong upang pag-usapan ang kasunduan at hindi na katulad sa mga nagdaang diyalogo na mayroon pang intermediary.