Binigyang-diin ni House Majority Leader Sandro Marcos na hindi niya bibigyang halaga ang mga pahayag ng mga tinatawag niyang “fake marines”.
Ito ang naging tugon ni Marcos matapos siyang tanungin ng media sa isang ambush interview hinggil sa paratang na isa siya sa umano’y tumanggap ng maletang puno ng pera.
Ayon sa Majority Leader, “kalokohan” ang mga akusasyon na ibinabato ng mga indibidwal na nagpapakilalang dating bodyguard ni dating Rep. Zaldy Co.
Dagdag pa niya, hindi na niya pinag-iisipang magsampa ng reklamo laban sa naturang grupo dahil hindi umano ito karapat-dapat pagtuunan ng pansin.
Kinuwestiyon din ni Marcos ang kredibilidad ng mga akusasyon, dahil sa umano’y pabago-bagong pangalan na kanilang pinaparatangan.
Giit pa niya, mas makabubuting ituon na lamang ang atensyon sa trabaho sa Kongreso kaysa sa mga tinatawag niyang destabilization efforts.