Tutulong sa paglilinis, pagsasailalim sa desilting at dredging ng Butuanon River sa lungsod ng Mandaue, Cebu ang isa sa mga higanteng kompaniya ng bansa, ang San Miguel Corporation (SMC), sa pamamagitan ng Better Rivers PH initiative nito.
Ayon kay Jimmy Lu, bise presidente at overall project manager ng Better Rivers PH ng SMC, ang Mandaue City ang unang lungsod sa labas ng Luzon, kung saan palalawakin nila ang clean-up efforts.
Maglilinis sila ng apat na kilometrong haba na bahagi ng Butuanon River at target nilang matapos ito bago ang Abril sa susunod na taon.
Ang proyekto ay bilang suporta ng chairman ng SMC na si Ramon Ang sa Oplan Kontra Baha ng pamahalaan at gagawin nila ito nang walang gastos ang gobyerno.
“So, rest assured that San Miguel and Mr. Ang in particular, will continue to advocate for cleaner and flood-free rivers as part of its Better River Ph initiative in long term partnership with DPWH’s Oplan Kontra Baha,” sumala ni Lu.
Matagal ng naging tahanan ng San Miguel ang Mandaue at sa mga henerasyon ng kanilang mga empleyado.
Anim na excavators at modular barges ang i-dineploy ng SMC para dito kung saan ito din ang ginamit sa river clean-up nila sa Pasig River.
Kabilang sa kanilang gagawin ay ang pagtatanggal ng mga basura at putik, at pagsasailalim sa Butuanon River sa dredging operations.
Ngayong araw, Hunyo 18, inilunsad ang River Clean-Up Program sa Butuanon River sa Barangay Umapad ng Mandaue kung saan ka-partner ng SMC ang Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources, at ang local government unit (LGU) ng Mandaue.
Ang pagtutulungan ay isa sa mga hakbang upang tugunan ang problema ng baha sa mga flood-prone at low lying areas ng lungsod ngayong tag-ulan.
Sinabi ni Mayor Thadeo Jovito “Jonkie” Ouano na hindi magagawa ng lokal na pamahalaan nang mag-isa ang paglilinis, dredging at desilting sa Butuanon River, kailangan nila ng suporta mula sa national government, lalawigan ng Cebu, at sa pribadong sektor.
Sa kanilang mensahe sa launching ng programa, nagpapasalamat si DPWH Undersecretary for special concerns at task force commander ng Oplan Kontra Baha Charles Calima, at si DPWH 7 Regional Director Simon Arias sa SMC sa inisyatiba nitong tumulong sa pamahalaan.
📸 Mine, Cong. Emmarie “Lolypop” Ouano-Dizon| FB page





