Gumawa na naman ng malaking ingay sa mundo ng tennis ang pambato ng Pilipinas na si Alexandra “Alex” Eala matapos nitong patumbahin si world No 2 Elena Rybakina, 7-5, 6-4, nitong Huwebes sa Round of 16 ng Berlin Tennis Open.
Dahil sa makasaysayang upset na ito, matagumpay na umabante ang Filipina tennis ace sa quarterfinals ng prestihiyosong torneo.
Naging shaky ang simula ni Eala sa unang set matapos maiwan sa iskor na 4-1. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Filipina tennis sensation at sunod-sunod na nakuha ang tatlong laro upang itabla ang iskor. Bagamat muling nakapuntos si Rybakina para kamuntik na panalo sa unang set, sumagot si Eala ng tatlong magkakasunod na panalo upang tuluyang maagaw ang unang set, 7-5.
Bitbit ang momentum, naging agresibo si Eala sa second set kung saan agad siyang lumikha ng 3-1 na kalamangan. Bagamat sinubukan ni Rybakina na humabol at idikit ang iskor sa pamamagitan ng pagkuha ng isa pang laro, muling pinatunayan ni Eala ang kanyang katatagan nang palawigin niya ang kanyang abante sa 5-3 para lumapit sa matamis na tagumpay.
Sinubukan pang isalba ni Rybakina ang laban sa pagkuha ng isa pang laro, ngunit hindi na nag-aksaya ng panahon si Eala upang tuluyang tapusin ang laban sa iskor na 6-4 at selyuhan ang isa sa pinakamalaking panalo sa kanyang karera.
📷 Berlin Tennis Open