Pinauubaya na ni Senate President Sherwin Gatchalian sa Department of Justice (DOJ) ang pag-iimbestiga sa nangyaring shooting incident sa senado noong May 13.
Pero tiniyak ni Gatchalian na makikipagtulungan ang Senado sa imbestigasyon.
Sa ngayon ay sinabi ng senate president na nais muna niyang mabasa ang pinal na ulat ng imbestigasyon bago magbigay ng mas detalyadong komento, lalo na matapos sabihin ng DOJ na hindi umano “under attack” ang Senado sa naturang insidente.
Aniya, sensitibo ang usapin at mahalagang makita ang buong konteksto ng ulat bago gumawa ng anumang pahayag.
Ibinahagi din ni Gatchalian na nakipagpulong na siya sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), na direktang sangkot sa isyu.
Dahil dito, iginiit niyang makabubuting hintayin ang opisyal na resulta ng imbestigasyon bilang paggalang sa mga taong nasasangkot at sa proseso ng pagbusisi sa pangyayari.
Binigyang-diin ng Senate President na ang pinakamahalagang aspeto ng imbestigasyon ay ang pagiging independent at impartial nito.
Aniya, dapat kabilang ang Senado sa imbestigasyon dahil may mga tauhan ng institusyon na posibleng may kaugnayan sa nangyari.
Dagdag pa ni Gatchalian, kung mapatutunayang may mga personalidad na nagkamali o direktang nasangkot sa insidente, dapat silang managot.| ulat ni Nimfa Asuncion