Nagsagawa ng academic walkout at candle-lighting ceremony ang mga estudyante, guro, at kawani ng Ateneo de Manila University ngayong Biyernes.
Ito ay bilang pakikidalamhati sa pagpanaw ng dalawang basketball player ng Ateneo Men’s Basketball Team na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Ayon kay Sanggunian President Jedryc Romero, layon ng pagtitipon na ipakita ang pagkakaisa sa panawagan para sa katotohanan, hustisya, malinaw na paliwanag, at pananagutan kaugnay ng pagkasawi ng dalawang student-athlete.
Binigyang-diin din ng mga estudyante na nananatili ang kanilang paniniwala na may puwang para sa pagbabago sa institusyon at liderato upang higit na matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Kasabay nito, nanawagan sila ng mas malawak at aktibong pakikilahok ng komunidad sa mga usaping may kaugnayan sa campus safety at student welfare.