Eksakto 4:02, hapon ng Biyernes (June 19) nang lumapag sa Villamor Airbase sa Pasay City ang eroplanong sinasakyan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos makibahagi sa ASEAN – Russia Commemorative Summit sa Kazan.
Sa arrival statement ng pangulo sinabi nito na ang summit ay nagsilbing pagkakataon upang maipabatid ng mga bansang kasapi ng samahan ang kanilang commitment sa pagpapatatag ng kooperasyon para sa political security, ekonomiya, at sociocultural pillars ng samahan.
In-adopt din aniya ang ilang mahahalagang dokumento na gagabay sa susunod na yugto ng ugnayan ng ASEAN at Russia.
Partikular na ito ang Kazan Declaration 2026, ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action for 2026 to 2030, Joint Statement at Concept Paper on Cultural Cooperation, at ang Joint Statement at Concept Paper on Energy Cooperation.
Ang mga dokumentong ito, magsisilbing roadmap para sa pagpapalawak pa ng praktikal na kooperasyon ng ASEAN at Russia, maging sa pagbibigay ng nararamdamang resulta at benepisyo sa mamamayan ng mga bansang ito.
Samantala, inanunsyo ni Pangulong Marcos Jr. ang nakatakdang pag-uwi sa Pilipinas ng 24 na Pilipinong na-detain sa Russia matapos ang halos siyam na buwang pagka-detain dahil sa immigration issues.
Ayon sa Pangulo, isa ito sa mga inilahad niya sa bilateral meeting kasama si Russian President Vladimir Putin, na agad na na-aksyunan.
“And now, the 24 Filipinos will be released. They are ready for deportation tomorrow at 5 p.m. So, those 24 will be going home, back to the Philippines, and back to their families,” —Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan