
Aabot sa 1,094 rehistradong botante mula sa Barangay Pantal sa Dagupan City ang makikinabang sa kauna-unahang mall voting site sa Ilocos Region sa ilalim ng Mall Voting Program ng Commission on Elections (Comelec) sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2026.
Ito ang sinabi ni Comelec Dagupan Election Officer Atty. Franks Sarmiento sa paglulunsad ng mall voting site sa Nepo Mall, na aniya ay layuning ilapit ang serbisyo ng halalan sa publiko sa pamamagitan ng mas maginhawa, mas accessible at mas komportableng lugar ng pagboto.

Ayon kay Sarmiento, pinili ang mga botanteng makikinabang sa programa batay sa lapit ng kanilang mga presinto sa mall.
Aniya, ang Nepo Mall ang kauna-unahang na voting site na pormal na naaprubahan sa buong rehiyon. Naging posible ito matapos ialok ni Nepo Mall CEO Aaron Montenegro ang pasilidad bilang karagdagang voting center noong Pebrero 14, 2026, kasabay ng pagsasagawa ng satellite voter registration.
Inamin ni Sarmiento na una siyang nag-alinlangan sa mungkahi dahil sa limitadong panahon para matugunan ang mga kinakailangang requirements at inakala niyang maaari lamang itong maisakatuparan para sa halalan sa 2028. Gayunman, napagtanto aniya nito na mahalagang oportunidad ang alok ng pamunuan ng mall upang makatulong sa pagluwag ng mga kasalukuyang voting center, kaya agad nilang sinimulan ang proseso upang matugunan ang lahat ng requirements para sa pag-apruba ng proyekto.
Binigyang-pugay din niya ang mga tauhan ng Comelec at ang pamunuan ng mall sa pagtutulungan upang maisagawa ang mga site inspection, pagpaplano ng daloy ng mga botante at paghahanda ng memorandum of agreement (MOA).
Paliwanang ni Sarmiento, hindi lamang mga botante ang makikinabang sa programa kundi maging ang mga gurong magsisilbing electoral board members dahil magkakaroon sila ng mas ligtas at mas komportableng lugar na pagtatrabahuhan sa araw ng halalan.
Nagpasalamat din siya sa pamunuan ng Nepo Mall at JTN Realty Group sa pagpapagamit ng kanilang pasilidad nang walang gastos para sa Comelec.