Photo courtesy of Philippine National Police
Mahalaga ang masusi at komprehensibong imbestigasyon sa kaso ng pagkalunod ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa Aurora para makapagtatag ng mas mahigpit na pamantayang pangkaligtasan.
Ito ang binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) upang maiwasan nang maulit ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kasalukuyan nang sinusuri ng mga imbestigador sa kaso ang posiblidad ng paglabag sa Anti-Hazing Law kaugnay sa pagkasawi nila Rene Baterbonia at Divine Adili.
Titiyakin ng PNP ang mabilis subalit masusing pagsisiyasat sa mga insidenteng may kaugnayan sa kaligtasan ng publiko gayundin ng pananagutan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nakumpleto na ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang humigit-kumulang 80% ng kanilang imbestigasyon sa kaso.
Hindi bababa sa 48 katao ang napadalhan na ng subpoena bilang bahagi ng patuloy na pagsisiyasat, habang ang mga natitirang testigo ay inaasahang haharap sa mga awtoridad ngayong araw (June 19) at sa Lunes, (June 22).
Umaasa ang PNP-CIDG na maisusumite ang kanilang kumpletong ulat sa Department of Justice (DOJ) sa susunod na linggo.
Kanina, humarap na sa CIDG ang dating head coach ng koponan na si Tab Baldwin para sagutin ang mga katanungan na siyang makapagbibigay liwanag sa nangyaring trahedya.