Inilunsad ng Department of Justice–National Prosecution Service ang ikatlong serye ng Manual for Prosecutors bilang gabay upang higit pang mapahusay ang kakayahan, propesyonalismo, at etikal na pamantayan ng mga piskal sa bansa.
Pinangunahan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang paglulunsad ng bagong manual na dinaluhan ng mga kinatawan ng city, provincial, at regional prosecution.
Pinalitan ng bagong bersyon ang huling rebisyon noong 2017 upang umayon sa mga pinakabagong patakaran at proseso sa sistemang pangkatarungan.
Kabilang sa mahahalagang pagbabago ang pagpapatupad ng DOJ Circular No. 015 o ang 2024 DOJ-NPS Rules on Preliminary Investigation and Inquest Proceedings, na nagtataas sa pamantayan ng ebidensya para sa pagsasampa ng kasong kriminal sa korte.
Isinama rin ang DOJ Circular No. 028 o ang 2024 DOJ-NPS Rules on Summary Investigation and Expedited Preliminary Investigation na naglalayong pabilisin ang pagproseso ng mga kasong may parusang pagkakakulong na mas mababa sa anim na taon.
Ayon sa DOJ-NPS, layunin ng bagong manual na higit pang palakasin ang kalidad ng prosekusyon at matiyak ang patas at mahusay na paghahatid ng hustisya sa mga Pilipino.
📸 DOJ
