Mahigit 13,000 magsasaka at mangingisda sa Eastern Visayas ang nakatanggap ng tig₱2,325 na tulong pinansyal sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) matapos maipamahagi ang mahigit ₱30 milyong ayuda mula Hunyo 8 hanggang 11, 2026.
Saklaw ng distribusyon ang mga bayan ng La Paz, MacArthur, Julita, Dagami, Burauen, Isabel, Palompon, Merida, at Kananga sa Lalawigan ng Leyte, gayundin ang Mapanas, Palapag, Gamay, at Lapinig sa Northern Samar.Ayon sa programa, ang mga benepisyaryo ay mga magsasaka at mangingisdang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at patuloy na nagsasaka o nangingisda sa kabila ng epekto ng krisis sa langis dulot ng umiiral na tensiyong geopolitikal sa Gitnang Silangan.

Nagpasalamat si Eva Torla, 70 taong gulang na benepisyaryo, sa natanggap na tulong. Aniya, malaking ginhawa ito para sa kanilang mag-asawa upang makabili ng mga pangunahing pangangailangan sa bahay at maintenance na gamot sa gitna ng kinahaharap na krisis.

Ibinahagi rin ni Alita Galoy na makatutulong ang ayuda upang matustusan ang kanilang araw-araw na pangangailangan, kabilang ang pagkain at iba pang pangunahing gastusin.
Ayon sa pamahalaan, layunin ng programa na magbigay ng agarang suporta sa mga komunidad ng magsasaka at mangingisda upang mapalakas ang kanilang kakayahang harapin ang mga hamong pang-ekonomiya at mapanatili ang lokal na produksyon ng pagkain.
📷 DA-8