Kasabay ng pagdiriwang ng National Kidney Month ngayong Hunyo, kinalampag ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang outpatient coverage nito para sa dialysis at iba pang gamutan sa bato upang maiwasan ang isang malawakang krisis sa kalusugan.
Ito ay matapos ilabas ng Philippine Renal Disease Registry (PRDR) ang nakakabahalang na datos na 57.44 porsyento ng mga pasyenteng may Chronic Kidney Disease (CKD) ay mga batang nasa edad 20 hanggang 59-taong gulang.
Panawagan ni Yamsuan, huwag hintayin na maging full-blown public health crisis ang sakit.
Upang rumesponde sa krisis, inihain ni Yamsuan ang House Bill 6310. Sa ilalim ng panukalang ito, oobligahin ang PhilHealth na sagutin ang 100% na gastusin ng mga pasyente ng CKD—kabilang ang maintenance, dialysis, gamot, professional fees, at hospital charges.
Paiiralin din ang No Balance Billing policy kung saan bawal maglabas ng kahit isang sentimo mula sa sariling bulsa (out-of-pocket expenses) ang pasyente.
Binigyan-diin din ng mambabatas ang maagang pagsusuri at tamang edukasyon sa kalusugan ang susi para manatiling produktibo ang ating mga kababayan.