Nagpahayag ng matinding pagkabahala at pakikiramay ang Department of Education (DepEd) Regional Office VIII kasunod ng naganap na insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, umaga ng Lunes, Hunyo 22, 2026.
Sa isang opisyal na pahayag na nilagdaan ni Regional Director Salustiano Jimenez, binigyang-diin ng kagawaran na prayoridad nila ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan.
“Ang kaligtasan, seguridad, at kagalingan ng ating mga mag-aaral at tauhan ang nananatili nating pinakamataas na priyoridad. Nakatuon ang DepEd Regional Office VIII sa pagbibigay ng kinakailangang suporta sa apektadong komunidad ng paaralan,” saad sa pahayag.
Agad umanong nakipagtulungan ang rehiyonal na tanggapan sa Philippine National Police (PNP), Schools Division Office ng Tacloban City, at sa pamunuan ng paaralan upang masiguro ang seguridad sa loob ng campus.
Bukod sa seguridad, nakipag-ugnayan na rin ang DepEd sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang agad na maipabot ang psychosocial support at kaukulang tulong sa mga mag-aaral at gurong nakaranas ng trauma o takot dahil sa insidente.
Kasalukuyan nang hawak ng mga awtoridad ang imbestigasyon. Kaugnay nito, nakiusap ang DepEd sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon at umasa lamang sa mga opisyal na pahayag mula sa PNP at mga lehitimong ahensya ng pamahalaan.
Nanawagan din ang kagawaran ng panalangin para sa mabilis na paghilom at recovery ng buong komunidad ng San Jose National High School, habang tinitiyak na gagawin ang lahat upang mapanatili ang mga paaralan bilang ligtas na lugar para sa pag-aaral. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar | RP Borongan
📷 DepEd 8