Iginiit ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na dapat nang agarang tugunan ang lumalalang problema ng malnutrisyon sa bansa.
Ito ang pahayag ni Dy matapos ilabas ng Food and Nutrition Research Institute ang kanilang pinakahuling datos.
Batay sa ulat, umakyat sa 25.3 porsyento ang bilang ng mga batang bansot sa bansa noong 2025.
Ayon kay Dy, ang nakatatakot na datos na ito ay nagpapatunay na tama at napapanahon ang desisyon ng Kamara na gawing priority measure ang House Bill No. 9466.
Paliwanag ng Speaker, ang kakulangan sa sapat na nutrisyon sa mga unang taon ng paglaki ng bata ay may panghabambuhay na epekto sa kanilang pag-unlad ng utak, pag-aaral, at pagiging produktibo.
Sa ilalim ng House Bill No. 9466 na ipinasa ng Kamara, palalawakin ang kasalukuyang batas upang maging ganap na National Nutrition Program.
Bukod sa libreng pagkain at gatas, palalakasin din ng panukala ang suporta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, gayundin ang mga programang pangkalinisan at pangkalusugan para sa mga ina.
Ang pag-amyenda sa batas na ito ay kabilang sa mga panukalang sertipikadong urgent ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.