Nasa ilalim na ng kustodiya ng Police Regional Office 8 (PRO-8), sa pamumuno ni Police Brigadier General Jason Capoy, regional director, ang dalawang mag-aaral na diumano ay sangkot sa isang insidente ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Brgy. San Jose, Lungsod ng Tacloban nitong Hunyo 22, 2026.
Batay sa imbestigasyong isinagawa ng Tacloban City Police Office (TCPO), nagresulta ang insidente sa pagkaksawi ng tatlong (3) indibidwal at pagkasugat ng pito (7) pa. Agad na isinugod ang mga sugatang biktima sa mga kalapit na pasilidad na medikal para sa agarang lunas at atensyong medikal.
Matapos matanggap ang ulat ukol sa insidente, agad na naglunsad ang mga tauhan ng TCPO, sa pakikipagtulungan ng iba pang operating units, ng isang hot pursuit operation at pinaigting na pagtugis na nagresulta sa mabilis na pagkaaresto at pagkumpiska sa dalawang Children in Conflict with the Law o CICL.
Alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na sinusugan, hindi isinapubliko ang pagkakakilanlan ng mga menor de edad. Kasalukuyan silang nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang paglilipat sa kanila sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO). Lahat ng proseso ay isinasagawa alinsunod sa mga itinalagang child-sensitive protocols at mga legal na proteksyon.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo at mga detalye sa likod ng insidente. Samantala, patuloy naman ang PRO 8 sa pagpapahigpit ng mga hakbang sa seguridad at pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng paaralan, lokal na pamahalaan, at iba pang kaugnay na ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maibigay ang kinakailangang tulong sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya.
Pinuri ni RD Capoy ang mga rumespondeng tauhan para sa kanilang mabilis at propesyonal na pagkilos. “Agad na kumilos ang ating mga tauhan upang mailagay sa kustodiya ang mga nasasangkot na CICL habang mahigpit na sinusunod ang mga probisyon ng Republic Act No. 9344 at tinitiyak ang proteksyon ng kanilang mga karapatan at kapakanan. Tinitiyak natin sa pamilya ng mga biktima at sa publiko na isang masusing, patas, at child-sensitive na imbestigasyon ang kasalukuyang isinasagawa. Nananatiling matatag ang PRO 8 sa paghahangad ng katarungan sa pamamagitan ng tamang legal na proseso at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating mga komunidad,” pahayag ni RD Capoy. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar | RP Borongan
📸 PRO8