Makasisira o maaaring magdulot ng soil erosion ang maling paraan ng pag-aararo ng lupa na maaaring makaapekto sa mga pananim.
Sa pahayag ni Department of Agriculture – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) Soil Conservation and Management Division Chief Engineer Eduardo Alberto, halos buong bansa na ang nakararanas ng soil erosion dahil sa mga aktibidad ng mga tao at natural phenomenon.
Binigyang-diin pa ng eksperto na nakasisira sa kalidad ng lupa ang labis at maling pag-aararo ng lupa na nagreresulta ng soil erosion.
Hindi rin nakatutulong ang monocropping o isang produkto lamang ang itinatanim lalo na kung madaling maani ito tulad ng mais at mga gulay.
Dagdag pa ni Engr. Alberto na delikado ang soil erosion dahil bumabagsak ang produksyon ng pananim at nasisira naman ang yamang-dagat dahil natatabunan ng putik ang mga buhura.
Kaya naman, payo niya sa mga magsasaka na mag-araro sa direksyon kontra sa agos ng tubig.
Maaaring magtanim ng mga fruit tree, lemon grass o mga gulay sa paligid ng pananim upang mayroong hahawak sa lupa at magbibigay ng dagdag-kita sa mga magsasaka.
Habang, may ambag din ang nagbabagong-klima at pagkakaingin sa pagkasira ng kalidad at pagkaubos nang malusog ng lupa. | via Christopher Tirambulo
📸 Lal-lo, Cagayan LGU