Opisyal nang inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Tacloban ang mas mahigpit na pagpapatupad ng curfew mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw para sa mga menor de edad.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng naganap na insidente ng pamamaril sa San Jose National High School kamakailan.
Bilang bahagi ng pinalakas na seguridad, masusing babantayan ang pagpapatupad ng curfew sa buong lungsod, partikular na sa bahagi ng San Jose. Inaasahan din ang mas pinaigting na presensya at pagpapatrolya ng mga kapulisan sa San Jose at sa iba pang mga pampublikong lugar, kabilang ang Sangyawan Grounds.
Ayon sa Tacloban City Police Office (TCPO), mahigpit na ipagbabawal ang pagpasok ng mga menor de edad sa Sangyawan Grounds maliban na lamang kung kasama ang kanilang mga magulang o legal na tagapangalaga.
Kaugnay nito, nananawagan ang mga opisyal ng lungsod sa publiko na makiisa at makipagtulungan sa mga awtoridad habang itinataas ang antas ng seguridad upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng buong komunidad.
📸 Tacloban City Information Office

