Umabot na sa iba’t ibang bahagi ng Europa ang tanyag na Guimaras Mango ng Pilipinas para ipakilala sa pandaigdigang merkado.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Department of Trade and Industry (DTI) – Guimaras – Officer-In-Charge Juvy Benliro, ibinahagi nito na ang exportation ng Guimaras mangoes ay ang siyang ang kauna-unahan sa Europa, partikular sa mga bansang Spain, Germany, Belgium, The Netherland, at France upang suriin ang kalidad ng tinatawag na First Geographical Indication (GI) Product ng Pilipinas.
Aniya, kung papasa sa mga nasabing bansa ang kalidad ng mangga ng Guimaras, magtutuloy-tuloy na ang pag-e-export ng Pilipinas dito.
Ayon pa kay Benliro, magbubukas ito ng malaking oportunidad sa mga nagtatanim ng mangga at makapagbibigay rin ng mas malaking kita hindi lamang sa kanila kundi sa buong supply chain dahil sa pagpasok nito sa pandaigdigang merkado.
Sinabi rin ng opisyal ng DTI na mas mapalalawak pa nito ang potensyal ng Guimaras Mangoes sa labas ng bansa.
Idinagdan pa nito na marami ang pinagdaanan ng Guimaras Mangoes bago makapasok sa Europa kaya talagang masasabi aniyang pang-World Class ang produktong ito ng Pilipinas.