Nagpaalala si Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano na may pananagutan sa batas kahit menor de edad.
Ito ang kanyang reaksiyon kasunod ng sunod-sunod na madugong karahasan sa loob ng mga kampus.
Giit ng mambabatas, ‘settled issue’ na o may pinal nang pasya ang Korte Suprema–may criminal liability ang mga teenager na masasangkot sa krimen.
Ayon naman kay Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo Ordanes, ang mga suspek na may edad 15 anyos pataas ay hindi protektado ng general exception sa ilalim ng Juvenile Justice Law kapag napatunayang ginusto at alam nila ang kanilang ginawang krimen.
Ito ang tugon ng mga mambabatas laban sa dalawang menor de edad na utak ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, pati na sa mga estudyanteng nanaksak sa loob ng paaralan sa General Trias at Cavite City.
Ayon pa kina Valeriano at Ordanes bukod sa kaso sa mga suspek, dapat sibakin o isuspinde ang principal ng paaralan dahil sa kapabayaan.
Kinuwestiyon ni Valeriano kung paano nagawang makapagpasok ng mga totoong baril ng dalawang estudyante sa loob ng classroom.