Iminumungkahi ngayon ng Davao City Police Office (DCPO) sa lahat ng paaralan na magsagawa na rin ng shooting scenario drill para mapaghandaan ang posibleng insidente ng pamamaril sa loob ng campus.
Inihayag ni DCPO Spokesperson Maj. Maria Teresita Gaspan sa isinagawang Davao Peace and Security Press Corps Media Briefing sa The Royal Mandaya Hotel, na layunin ng mungkahi na maiwasan ang insidente ng pamamaril gaya nang sa Tacloban City na kinasasangkutan ng mga mag-aaral nito.
Ayon kay Gaspan na handang tumulong ang DCPO para maisagawa ang nasabing drill para na rin magkaroon ng kaalaman kung ano ang gagawin kapag may mga senaryo ng pamamaril hindi lang ang nga guro kung hindi pati na ang mga mag-aaral. Bukod dito, hinkayat din nito ang mga paaralan na paigtingin ang inspeksyon sa lahat ng papasok sa paaralan upang hindi maipasok ang anumang armas sa loob ng paaralan.
Samantala, mas dadalasan ng Police Regional Office (PRO) 11 ang pagbisita sa mga paaralan sa Davao Region kasunod pa rin ng insidente ng pamamaril sa Tacloban City na kinasasangkutan ng ilang mag-aaral.
Sa isinagawang Davao Peace and Security Press Corps sa The Royal Mandaya Hotel, inihayag ni PRO 11 Spokesperson Maj. Catherine dela Rey na ang nasabing hakbang ay bahagi ng pagpapalakas ng presensya ng kapulisan sa mga eskwelahan. Ayon kay dela Rey na ilan sa kanilang gagawin sa pagbisita ay ang pagsasagawa ng symposium sa mga batas gaya ng anti-bullying, safe spaces at iba pa na dapat malaman ng mga mag-aaral.
Bukod dito, inilahad ng opisyal na pinapaigting na rin nito ang presensya ng kapulisan sa mga paaralan lalo kapag oras ng pasukan at uwian upang mapigilan ang anumang krimen sa mga panahong ito.
Giit ni dela Rey na dadalasan na rin ng kapulisan ang pagpatrolya sa mga paaralan upang agad maka-responde sa anuman tawag ng pangangailangan lalo na kapag may krimen na nagaganap.