Lumutang na at humarap sa tanggapan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang Pangulo ng Ateneo de Manila University (AdMU) na si Fr. Roberto Yap.
Pasado alas-8 ng umaga nang dumating si Yap sa Kampo Crame para magbigay ng kaniyang salaysay sa pagkasawi ng kanilang dalawang student athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Kasama ni Fr. Yap ang dating Ateneo Blue Eagles Guard at ngayo’y PBA Player na si Gian Mamuyac para magbahagi ng kaniyang mga nalalaman kaugnay sa pagsasanay ng basketball team, na noon ay pinangangasiwaan ni dating Coach Tab Baldwin.
Magugunitang noong nakalipas na linggo, humarap na ang team management, dati at kasalukuyang manlalaro ng Ateneo, at si Tab Baldwin matapos ipa-subpoena sa nangyaring team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Pero sa panayam sa Kampo Crame kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, sinabi nitong isusumite ang resulta ng imbestigasyon sa Department of Justice (DOJ) sa susunod na linggo.