Photo courtesy of PNP San Juan CPS SCADS
Nabuhay ang makulay na tradisyon at masayang diwa ng pagdiriwang sa San Juan City sa Wattah Wattah Festival 2026 bilang pagpupugay kay San Juan Bautista, ang patron ng lungsod.
Ipinagdiwang ngayong June 24 ang kapistahan ni St. John the Baptist o San Juan Bautista, na kilala sa Kristiyanong tradisyon bilang nagbinyag kay Hesukristo sa Ilog Jordan.
Bilang simbolo ng binyag at paglilinis ng espiritu, bahagi na ng kultura ng mga San Juaneño ang masayang basaan na tampok sa taunang Wattah Wattah Festival.

Ngayong taon, sa temang “Basbas ng Kasarinlan, Bendisyon ng Kapayapaan,” napuno ng saya, kultura, musika, at pagkakaisa ang selebrasyon.
Tampok dito ang Wattah Wattah Parade, Street Dance Competition, Festival Queen Competition, Float Competition, at Booth Competition na nagpakita ng talento at mayamang tradisyon ng mga residente.

Kasabay ng pagdiriwang, ipinatupad ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang mga itinakdang “basaan zones” sa kahabaan ng Pinaglabanan Street upang matiyak na ligtas at maayos ang selebrasyon. Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, layunin nitong mapanatili ang kasiyahan ng festival nang hindi naaabala ang mga manggagawa, estudyante, at iba pang hindi nakikilahok sa basaan.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng kapistahan, idineklara sa pamamagitan ng Proclamation No. 1282, s. 2026 ang June 24 bilang Special (Non-Working) Day sa Lungsod ng San Juan.