Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) para sa mas matibay na pakikilahok ng mga magulang at paaralan upang bantayan ang paggamit ng social media gayundin ng iba pang gadget ng mga bata.
Ito’y kasunod na rin ng madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na kinasangkutan ng dalawang menor-de-edad.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga magulang o guardian ang magsisilbing unang depensa ng mga bata sa paggamit nito ng social media at iba pang gadget.
Nanawagan din ang PNP sa pamunuan ng mga eskwelahan na magsilbing katuwang nila sa pagbabantay sa pamamagitan na rin ng maagang pagtukoy sa pagbabago ng mga kabataan upang agad mapigilan habang maaga pa.
Ang nangyaring “shooting spree” noong June 22 ay magsilbing palatandaan ng posibleng marahas na layunin na unang nakikita ng mga kabataan sa mundo ng online.