Pinaigting ng Eastern Police District (EPD) ang kanilang pagbabantay para tiyakin ang maayos at mapayapang pagdiriwang ng taunang “Wattah Wattah” festival sa Lungsod ng San Juan ngayong araw.
Ayon kay EPD Director, Police Brig. Gen. Melecio Buslig Jr, aabot sa 477 na mga pulis ang kanilang ipinakalat katuwang ang nas 172 na mga force multiplier.
Bagaman ang San Juan City LGU ang punong tagapangasiwa ng pagdiriwang, sinabi ni Buslig na buo ang kanilang pagsuporta para masigurong masaya ang pagdiriwang ng pista nang walang anumang disgrasya o emergency.
Una rito, ipinbatid ni San Juan City Mayor Francis Zamora na mahigpit ang ipatutupad nilang mga panuntunan para sa kapistahan ngayong taon.
Bukod sa pagtatalaga ng “BASAAN” zone sa kahabaan ng Pinaglabanan Road, umiiral din ang liquor ban mula kaninang hatinggabi hanggang alas-2 mamayang hapon.
Kaya mahigpit ang paki-usap ng mga awtoridad sa mga San Juaneño na sundin ang mga itinakdang patakaran upang maiwasan ang anumang abala.