Nakipagpulong ang Malabon LGU sa Schools Division Office (SDO), Public Safety and Traffic Management Office, at Malabon City Police Station para palakasin ang seguridad sa mga paaralan sa lungsod, kasunod ng mga naiulat na pamamaril sa Tacloban City na kinasangkutan ng ilang menor-de-edad.
Ayon kay Malabon Mayor Jeannie Sandoval, hindi katanggap-tanggap ang pagkakaroon ng karahasan sa mga paaralan na dapat magsilbing ligtas na lugar para sa pagkatuto, respeto, pagkakaisa, at kapayapaan.
Sa naturang pulong, tinalakay ang mga hakbang kabilang ang pagpapataas ng Police visibility sa paligid ng mga paaralan, pagmomobilisa ng mga barangay tanod at iba pang community force multipliers, at pagpapalakas ng seguridad tuwing oras ng pagpasok, recess, at uwian ng mga estudyante.
Napag-usapan din ang ilang preventive security practices kabilang ang paggamit ng metal detectors at pagsasagawa ng inspeksyon kung kinakailangan, habang tinitiyak na mananatiling protektado ang karapatan, kapakanan, at dignidad ng mga mag-aaral.
Plano ring bumuo ng School Security Management Plan at Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), local government unit (LGU), at mga barangay para sa mas mabilis na pagtugon sa mga usaping pangkaligtasan sa paaralan.
Tiniyak naman ni Mayor Sandoval na patuloy na makikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa mga katuwang na ahensya para matiyak na ang mga paaralan sa Malabon ay mananatiling ligtas at maayos na lugar para sa pag-aaral.
📸 Malabon LGU
