Nanawagan si Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin Jr. na agarang rebyuhin ang batas sa pananagutan ng mga menor-de-edad at patawan ng mas mabigat na parusa ang mga pabayang may-ari ng baril.
Ayon kay Garbin, na isa sa mga may-akda ng Anti-Bullying Act of 2013, ang trahedya sa San Jose National High School ay hindi dapat palampasin na lamang bilang isang lumipas na balita.
Aniya bagama’t maganda ang layunin ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 (RA 9344) na protektahan ang mga bata, binigyang-diin ng mambabatas na may nakakatakot na trend ngayon kung saan ginagamit na itong panangga ng mga kabataang may sapat na pag-iisip at alam ang tama at mali.
Bukod sa pananagutan ng kabataan, iginiit din ni Garbin ang paghihigpit sa mga may-ari ng armas.
Kaugnay nito, hinimok ni Garbin ang Kongreso, mga awtoridad, at mamamayang Pilipino na magkaisa upang baguhin ang mga batas na ito upang matiyak na hindi mauulit ang insidente.