Umabot na sa ₱130,000 ang naipaabot na paunang tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 8 – Eastern Visayas sa mga biktima ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ibinigay ang ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD para makatulong sa agarang pangangailangan ng mga sugatan at kanilang pamilya.
Bukod sa pinansyal na tulong, tuloy-tuloy din ang paghahatid ng DSWD ng psychological First Aid at psychosocial support sa mga biktima para matulungang maproseso ang trauma na idinulot ng insidente.
Nagkasa na rin ang DSWD ng case conference kasama ang Tacloban City Government, Public Attorney’s Office, at City Social Welfare and Development Office kung saan tinalakay ang kinakailangang case management, psychosocial interventions, at iba pang social services para sa mga menor-de-edad na sangkot sa insidente.
📸 DSWD
