Agad na kumilos ang Department of Agriculture (DA) para matiyak ang tulong sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng bagyong Francisco.
Ayon sa DA, inihanda na nito ang mga binhi para sa palay, mais at high-value crops, mga gamot at biologics para sa mga alagang hayop at manok, gayundin ang mga pangangailangan para sa sektor ng pangisdaan.
Nakahanda na rin ang pondo para sa insurance at credit assistance sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation at Agricultural Credit Policy Council para matulungan ang mga magsasaka.
Kasabay nito, sinusubaybayan din ng DA ang galaw at presyo ng mga agricultural commodities para matiyak na hindi magkakaroon ng biglaang pagtaas ng presyo sa merkado.