Kasunod ng nakakaalarmang school shooting incident sa Tacloban, nagpatawag agad ng pulong si Quezon City Mayor Joy Belmonte para talakayin at paigtingin ang mga hakbang ng pamahalaang lungsod para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani sa mga paaralan.
Sa pulong kasama ang Quezon City Police District (QCPD) at Schools Division Office, kabilang sa mga napagkasunduang hakbang ng QC ang mas mahigpit na pagpigil sa pagpasok ng armas at iba pang mapanganib na bagay sa paaralan, pagsasagawa ng security assessment at inspeksyon, pagpapalakas ng Police visibility at pagpapatrolya sa paligid ng mga paaralan, at gayundin ang pagbibigay ng karagdagang suporta at pagsasanay sa mga barangay tanod.
Palalakasin din ang school emergency response protocols, drills at simulations, gayundin ang reporting at referral mechanisms para sa mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong o intervention.
Kasama rin sa mga hakbang ang pagpapalawak ng values formation, parent engagement programs, at pakikipagtulungan sa School Parent-Teacher Associations (SPTAs) at iba pang sektor ng komunidad para mapanatiling ligtas ang mga paaralan.
📸 QC LGU

