Photo courtesy of PNP
Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na ang mabilis na pagkalat sa internet ng mga video at larawan kaugnay ng mga kamakailang insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Tacloban City at Cavite.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., maaaring magdulot ito ng pang matagalang pinsala sa mga biktima, kanilang mga pamilya, at kapwa mag-aaral.
Kasabay nito, nanawagan si Nartatez sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng ganitong online content lalo’t gumugulong pa ang imbestigasyon hinggil dito.
Tiniyak din ng PNP Chief, na kanilang palalakasin ang proteksyon ng mga mag-aaral, paigtingin ang seguridad sa mga paaralan, at itaguyod ang responsableng pag-uugali sa online at offline spaces salig sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang diin din ni Nartatez, na dapat igalang ang child protection at privacy sa buong proseso ng imbestigasyon kaya’t umapela siya na takpan hindi lamang ang mga graphic video kung hindi maging ang mga larawan at post na nagpapakita sa mga bata.
Inatasan ng PNP Chief ang Anti-Cybercrime Group (ACG) at iba pang kinauukulang yunit na bantayan ang pagkalat ng ganitong uri ng mga online content, at makipag-ugnayan sa social media platform para sa posibleng regulasyon dito.