Nananawagan ang Davao City Council na mas paigtingin pa ang seguridad sa mga pampublikong paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani nito.
Sa privilege speech ni Councilor Luna Acosta, Chairperson ng Committee on Peace and Public Safety, binigyang-diin nito ang agarang pangangailangan na palakasin ang mga hakbang sa seguridad sa mga institusyong pang-edukasyon kasunod ng mga insidenteng nakaapekto sa ilang paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dahil dito, hinimok ng opisyal ang Department of Education na bigyang-prayoridad ang pondo para sa school security at magpatupad ng mga programang magpapalakas sa proteksyon ng mga komunidad ng paaralan.
Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng maagap na mga polisiya, sapat na security resources, at matibay na ugnayan ng mga stakeholder upang maiwasan ang mga banta at mapalaganap ang culture of security sa mga paaralan.
Naniniwala si Acosta na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at tuloy-tuloy na suporta, masisiguro ang ligtas at maayos na kapaligiran para sa pag-aaral at pag-unlad ng mga kabataan. | ulat ni Sheila Lisondra-Celocia | Radyo Pilipinas Davao