Ipinanukala ni House Speaker at ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) President Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagpapalawak sa mandato ng AIPA Advisory Council on Dangerous Drugs (AIPACODD) upang labanan ang illegal na kalakalan ng droga.
Ayon kay Dy, ang mga kriminal na grupo sa rehiyon ay unti-unti nang nagiging konektado at transnational ang operasyon.
Sa kaniyang talumpati sa 9th Meeting ng AIPACODD sa Maynila, binigyang-diin ng House leader na buo ang suporta ng Pilipinas na amyendahan ang Terms of Reference ng ahensya upang pormal itong i-transform o gawing “AIPACODD Plus”.
Sa ilalim ng framework na ito, mas hihigpitan ng mga parliyamento sa ASEAN ang kooperasyon hindi lamang laban sa pagpapasok at pagbebenta ng droga, kung hindi maging sa mga konektadong krimen.
Ang panukalang ito ay inaasahang magiging isa sa mga pangunahing paksa sa mga susunod na talakayan ng mga mambabatas sa ASEAN.