Photo courtesy of DSWD
Upang matiyak ang mabilis at komprehensibong tugon ng pamahalaan para sa mga biktima ng naganap na pamamaril sa isang paaralan dito, naglunsad nitong June 24, ng isang multi-disciplinary case conference ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC).
Personal na pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pagpupulong upang balangkasin ang mga estratehikong hakbang sa paggaling at rehabilitasyon ng mga apektadong indibidwal at pamilya.
Pangunahing napagkasunduan sa pulong ang agarang pagpapalakas ng kapasidad ng social workers at frontline personnel sa pamamagitan ng mga dalubhasang pagsasanay upang mas maging epektibo ang paghawak sa mga sensitibong kaso ng trauma at karahasan; pakipag-alyansa ng DSWD sa Ateneo Bulatao Center for Psychology Services upang suriin at i-upgrade ang kasalukuyang parenting interventions at Family Development Sessions (FDS) ng kagawaran.
Layunin nitong mas matugunan ang mga modernong hamon na kinakaharap ng mga pamilya at kabataan ngayon.
Nakiisa rin sa high-level meeting ang mga top officials ng kagawaran at mga ahensya ng batas kagaya nina DSWD Undersecretary Fatima Aliah Dimaporo; DSWD Field Office 8 (Eastern Visayas) Regional Director Grace Subong at Asst. Regional Director for Operations Artemio Bautista; JJWC Executive Director Atty. Tricia Clare Oco; Public Attorney’s Office (PAO) Region 8 Atty. Vevelyn Monsato; at Regional Prosecutor Atty. Irwin Maraya upang matiyak ang koordinasyon sa aspetong legal at sikolohikal.
Sa pamamagitan ng pagtutulungang ito, tinitiyak ng pamahalaan na hindi lamang hustisya kundi pang matagalang kalinga sa mental na kalusugan ang maihahatid sa mga biktima ng trahedya.
