Iginiit ni FPJ Panday Bayanihan Party-List Representative Brian Poe na hindi kulang sa batas ang bansa sa mga eskwelahan bagkus kulang sa pagpapatupad.
Ito ang pahayag ni Poe kasunod ng madugong pamamaril sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 1147, nais ni Poe na busisiin kung sadyang napapabayaan lang ang pagpapatupad ng Anti-Bullying Act at mga emergency response protocol sa mga kampus, mga programa sa mental health, at ang umiiral na Juvenile Justice System sa bansa.
Bukod sa sistema sa eskwelahan, gustong panagutin ni Poe ang mga iresponsableng may-ari ng baril kung bakit nakakahawak ng armas ang mga menor-de-edad.
Samantala, sa gitna ng pighati, binigyang-pugay ng kongresista ang kabayanihan ng 15-taong gulang na si Chris Lorenz Fabian, na buong-tapang na humarang at nagtangkang protektahan ang kaniyang mga kaklase sa naganap na pag-atake.
Nanawagan din si Poe sa sektor ng edukasyon na gamitin ang trahedyang ito para repasuhin at palakasin ang mga mekanismong nagtitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa loob ng mga silid-aralan.